Lunes, Nobyembre 7, 2016

Buod ng "SI BINIBINING PHATHUPATS ni JUAN CRISOSTOMO SOTO"


SI BINIBINING PHATHUPATS ni JUAN CRISOSTOMO SOTO
(Buod)

                Si Yeyeng o Bb. Yeyeng ay isang Pilipina na nabibilang sa isang mahirap na pamilya. Kasama ng kanyang pamilya ay nakatira sila sa pinakamaliit na bayan sa Pampanga. Ang pagtitinda ng ginatan at paglalako ng bitso- bitso sa mga sugalan ang tanging ikinabubuhay nila hanggang sa siya’y magdalaga. Matapos ang rebolusyon, ang pamahalaang militar ng Amerika ay nagbukas ng paaralan. Ang mga gurong kawal dito na naging suki niya ay pinilit siyang pumasok sa paaralan upang sila’y magkaintindihan sa kanilang pag-uusap. Pagkalipas ng ilang araw, si Bb. Yeyeng ay nakapagsasalita na ng wikang Ingles at dahil dito ay inihatid siya sa isang bayan upang magturo.

            Lumipas ang panahon, si Bb. Yeyeng ay hindi na lubusang nagsasalita ng Kapampangan dahil nakalimutan niya na raw ito. Ayon sa kanya, ito ay matigas kaya sa tuwing siya’y magsasalita ng wikang ito ay nababaluktot ang kanyang dila. Kaya naman hindi na raw siya makapagsasalita nito ng tuwid dahil siya ay nauutal. Dahil dito, mula sa malambing na palayaw niyang Yeyeng ay binansagan siya ng mga taong nakakakilala sa kanya bilang “Binibining Phathupats”, na pangalang hango sa malapad niyang balakang na pilit iniipit sa pahang mahigpit ang balot. Samantala, sa isang pista o velada sa bayan na kanyang dinaluhan ay may nakita siyang tao na nagbabasa ng “Ing Emangabiran”, isang pahayagang Kapampangan sa Bacolor. Nang makita niya ito ay lumabi siya ng kaunti, umiling at nagsabing: “Mi no entiende ese Pampango”. Sa kanyang sinabi ay napatingin ang lahat ng nasa umpukan ngunit kaagad nilang iniligaw ang usapan upang hindi niya mahalata. Kahit alam na parang tinutukso na siya ay nagpatuloy pa rin si Bb. Phathupats. Sa ilang salitang kanya pang binigkas ay hindi na nakapagpigil ang mga nakarinig at napatawa sila ng malakas. Dahil dito, nagalit siya at hinarap ang mga tumatawa ngunit sa halip na tumigil ay lalo lamang lumakas ang halakhak ng mga nakikinig. Hindi na siya marunong magsalita ng Kapampangan dahil sa dalawang kadahilanan. Una, matagal na siyang nakisama sa mga kawal na Amerikano. Pangalawa, hindi na siya Kapampangan. Sa pangyayaring ito ay nag-init ang kanyang pakiramdam at siya ay nagalit na parang sumabog na bulkan. Dahil sa galit na kanyang nadarama, hindi niya napigilang makapagwika sa Kapampangan ng mga hindi kaaya-ayang salita. Sa ginawa niyang ito ay napahagalpak ng tawa ang mga manonood. Napaiyak si Bb. Phathupats at nang kanyang punasan ang kanyang tumutulong luha ay sumama ang kanyang makapal na pulbos sa pisngi at lumitaw ang kanyang maitim pa sa duhat na kulay. Nang makita ito ng mga manonood ay lalo silang napatawa. Sigawan, palakpakan at halakhakan ang narinig sa pistang iyon. Sa huli, dahil na rin sa sobrang kahihiyan hindi na nakatiis si Bb. Phathupats at siya’y nagkandarapa sa pag-alis, bubulong- bulong at bahag ang buntot .


            Sa panahon natin ngayon, madami na sa mga tao ang katulad ni Binibining Phathupats. Kinakalimutan o ikinahihiya ang sariling wika dahil natuto lamang ng mga wikang banyaga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento