Miyerkules, Nobyembre 9, 2016

Repleksyon ng "SI BINIBINING PHATHUPATS NI JUAN CRISOSTOMO SOTO"



SI BINIBINING PHATHUPATS NI JUAN CRISOSTOMO SOTO
(RepleksyongPapel)
               
“Si Binibing Phathupats” ni Juan Crisostomo Soto ay tungkol sa buhay ng isang kapampangang dalaga na nagngangalang Yeyeng. Ang dalagang ito ay natutong magsalita ng wikang Ingles dahil siya ay nakapag-aral at nakisama sa mga kawal na Amerikano. Ito ang naging dahilan ng pagkalimot niya sa kanyang wika at tunay na katauhan bilang isang Kapampangan. Dahil dito, nakaranas si Bb. Phathupats ng hindi magandang karanasan. Sa kabila nito, ang akda ay nagbibigay ng isang maganda at mahalagang mensahe sa atin bilang mga Pilipino.
            Sa ating modernong panahon ngayon, madami sa atin ang nagsisikap na mag-aral ng mga wikang banyaga.  Ang iba ay talagang pumapasok pa, gumagastos ng malaking halaga at nagbubuno ng matagal na panahon upang matuto at maging isang mahusay na tagapagsalita ng mga wikang ito. Isa nga namang napakagandang kakayahan sa ating mga Pilipino na nakapagsasalita tayo ng mga wikang banyaga tulad ng Ingles sa tama at maayos na paraan bukod pa na tayo ay nakapagsasalita rin ng mahusay sa ating sariling wika. Oo, hindi natin maikukubli na ang ilan sa mga wikang ito ay naging parte na ng ating mga buhay at nagbibigay sa atin ng magandang pakinabang at karanasan; subalit kaakibat nito ay may masama rin itong dulot sa atin. Ito ang nagiging dahilan kung bakit nakakalimutan natin kung sino talaga tayo, ang ating sariling wika, pagmamahal at paggamit dito at higit sa lahat ilan sa atin ang ikinahihiya ang pagsasalita ng sarili ng wikang ito.
            Wika ang isa sa mga napakagandang regalo na ipinagkaloob sa atin ng ating Panginoon. Tayong nabibilang sa iisang lahi, Lahing Pilipino; ipinanganak sa Perlas ng Silangan at may sariling wika: wikang Filipino. Mayroon tayong mahalagang responsibilidad na dapat gampanan at ito ang pangalagaan, pahalagahan at mahalin ang ating sariling wika. Hindi naman masama sa atin ang mga wikang banyaga subalit huwag nawa itong maging dahilan upang tayong mga Pilipino ay makalimot na may sarili rin tayong wika. Nawa’y lagi nating ikintal sa ating isipan ang winika ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal na “Ang hindi magmahal sa sariling wika, ay higit pa sa amoy ng malansang isda”. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento